Pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF ang Kapasiyahan Blg. 14-24 noong 20 Hunyo 2014 na bumubuo sa Gawad Julian Cruz Balmaseda, isang gawad para sa pinakamahuhusay na tesis at disertasyon na isinulat gamit ang wikang Filipino para sa mga larang akademiko , lalo na sa agham pangkalikasan, agham panlipunan, at matematika. Layunin ng gawad na ito na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo ang pagsusulat at publikasyon ng mga akdang orihinal at ambag para sa intelektuwalisasyon at modernisasyon ng Filipino.
Ipinangalan ang naturang gawad sa dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa na si Julian Cruz Balmaseda (28 Enero 1885–18 Setyembre 1947), nangungunang makata, kritiko, at iskolar sa wikang Filipino bilang pagkilala sa kaniyang ambag na mga saliksik sa diskurso ng wika at kulturang Filipino at bilang pagdiriwang sa kaniyang ika-130 kaarawan sa 28 Enero 2015.
Sa kasalukuyan, ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ang pinakamalaking gawad ng KWF. May premyo itong Php100,000 (net), plake ng pagkilala, at opsiyon na unang mailathala ang tesis at/o disertasyon sa ilalim ng programang KWF Aklat ng Bayan. Para sa unang taón ng gawad sa 2014, ang mga tesis at/o disertasyon ay kinakailangang naipasá mula Enero 2012–Agosto 2014. Ang huling araw ng pagpapadala ng lahok ay sa 28 Nobyembre 2014.
MGA TUNTUNIN
1. Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay bukás sa lahat maliban sa mga empleado ng KWF at kanilang mga kaanak.
2. Ang mga ilalahok na tesis at/o disertasyon na isinulat at naipasá bilang kahilingan sa kurso ay mula isa hanggang dalawang taon bago ang taon ng panawagan para sa nominasyon. Para sa panawagan sa taóng 2014, ang mga tesis at/o disertasyon na naipasá mula Enero 2012–Agosto 2013. Kinakailangang ang tesis at/o disertasyon ay isinulat bilang kahilingan sa mga kursong gradwado at lalo na sa agham pangkalikasan, agham panlipunan, at matematika.
3. Kailangang nasusulat sa Filipino ang lahok, orihinal, hindi pa nailalathala, at hindi rin salin sa ibang wika. Kakanselahin ng KWF ang gawad sa lahok na nagwagi ngunit nagplahiyo at hindi na muling makasasali pa sa alinmang gawad at timpalak ng KWF.
4. Marapat na gamitin ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) bilang format ng pagsulat ng talababa, talasanggunian, atbp.
5. Ang lahok ay kailangang isumite nang apat (4) na kopyang makinilyado o kompiyuterisado. Ang soft copy naman ng lahok ay kailangang ilagay sa isang compact disc (CD). Kinakailangang ding ilakip sa pormularyo ng paglahok ang curriculum vitae ng kalahok at ang rekomendasyon mula sa dalawang propesor. Maaaring i-download ang pormularyo sa KWF website at KWF facebook. Ang mga hard copy, CD, curriculum vitae, pormularyo, at rekomendayson ay kailangang ilagay sa isang long brown envelope na may pangalan at adres ng kalahok. Ipadadala ang mga lahok sa KWF Lupon sa Gawad 2F Gusali Watson, 1610 Kalye J. P. Laurel, San Miguel, Maynila.
6. Anumang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na mababago. Ang huling araw ng pagpapadala ng lahok ay sa 28 Nobyembre 2014. Makatatanggap ng halagang Php100,000 (net) at isang plake ng pagkilala ang magwawagi ng naturang gawad. Lahat ng lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok at angkin ng KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.
Para sa kaukulang tanong, sumulat sa komfil.gov@gmail.com o tumawag sa (02) 736-2519 at hanapin si G. Jose Evie G. Duclay. Bisitahin rin ang http://www.kwf.gov.ph para sa karagdagang impormasyon.
Para sa pormularyo sa rekomendasyon, magtungo sa http://docdroid.net/ewmp