News

Tulaan sa Facebook 2014: MGA NAGWAGI

banner5

Ikinagagalak ipahayag ng mga tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook at pamunuan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang mga nagwagi sa paligsahan ng mga tulang nasa anyong diyona (tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod) para sa taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Apolinario Mabini (Hulyo 23, 1864 – Mayo 13, 1903). Babasahin ang tatlong diyona at paparangalan ang mga nagwagi sa LIRAHAN sa Agosto 19, 2014, 7-9 n.g. sa Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City.

Unang Gantimpala:

INSPIRASYON
Malumpo man ang bansa
kung may Apong dakila
lalakad ang paglaya

—Vlac Raio
(nagwagi noong Abril)

Ikalawang Gantimpala:

TANONG AT SAGOT
“Bakit may rebolusyon?”
Si Mabini’y tumugon:
“Dahil napapanahon.”

—Louise Vincent B. Amante
(nagwagi noong Abril)

Ikatlong Gantimpala:

MABINI
Lumpo ang s’yang umakay
Sa bayan kong napilay
adhikain ang saklay.

—Jeffrey Gapatan
(nagwagi noong Mayo)

Makatatanggap ang tatlong nagwagi ng Php 3,000, Php 2,000, at Php 1,000 galing sa Arts and Culture Division ng Ayala Foundation, Inc at karagdagang Php 1,000 bawat isa mula sa JP Anthony D. Cuñada Law Office. Makakakuha rin ang tatlo ng isang taóng membership sa Ayala Museum at Filipinas Heritage Library. Ang pangkalahatang hurado ng Tulaan sa Facebook 2014 ay ang mga premyadong makata na sina: Fidel Rillo, Dr. Michael M. Coroza, at Louie Jon Sanchez.

Nagsimula noong Pebrero 1, 2014 at nagtapos noong Hunyo 30, 2014, may 489 na tao ang lumahok sa “Tulaan sa Facebook 2014” e-group at 1,787 na diyona ang naipása para sa paligsahan. Bawat buwan ay namili ng apat hanggang limang pinakamahuhusay na tula ang mga huradong kasapi ng LIRA: Enrique Villasis para sa Pebrero at Hunyo, Phillip Yerro Kimpo para sa Marso, Dr. Edgar Calabia Samar para sa Abril, at Charles Tuvilla para sa Mayo. Nakatanggap ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press ang mga nanalong lahok sa bawat buwan.

Ang “Tulaan sa Facebook” ay unang isinagawa noong 2010 kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng LIRA. Sumunod dito ang “Tulaan sa Facebook 2011: Rizalstrasse,” sa pakikipagtulungan ng Goethe-Institut Philippinen, para sa ika-150 taon ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Ang “Tulaan sa Facebook 2013,” sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation, Inc., Filipinas Heritage Library, Ayala Museum, Ateneo Press, at UST Publishing House, ay bahagi ng pagdiriwang para sa taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio. Merong 350 na lumahok at 1,280 na mga diyona noong nakaraang taon. Ang tagapangasiwa ng Tulaan sa Facebook 2013 at 2014 ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto si Noel Clemente.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay isang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA. Bisitahin ang LIRA sa Facebook (/palihangLIRA) at Twitter (@makatangLIRA) para sa iba pang detalye.

TUNTUNIN: http://wp.me/p326Rc-UM

PEBRERO (262 lahok): http://wp.me/p326Rc-Y3
MARSO (464 lahok): http://wp.me/p326Rc-ZI
ABRIL (669 lahok): http://wp.me/p326Rc-119
MAYO (273 lahok): http://wp.me/p326Rc-13q
HUNYO (113 lahok): http://wp.me/p326Rc-14K

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s