Tripleng pagdiriwang ang inihahanda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa 19 Agosto ngayong taon.
Bukod sa pagdiriwang ng ika-136 kaarawan ni dáting Pangulong Manuel Luis Quezon, Ama ng Wikang Pambansa, ipagdiriwang din ng tanggapan ang ika-23 anibersaryo ng pagkakatatag nitó.
Itinatag noong 14 Agosto 1991 ang KWF sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104. Sa loob ng 23 taóng pag-iral, nagkaroon ng mahalagang bahagi ang ahensiya sa pagbuo at paghubog ng pambansang wika.
Isasagawa din sa Agosto 19 ang KWF Araw ng mga Gawad upang parangalan ang mga nagwagi sa Gawad Dangal ng Wikang Filipino, Gawad KWF sa Sanaysay, at Ulirang Guro sa Filipino.
Itatampok sa Gawad Dangal ng Wikang Filipino ang indibidwal at organisasyong may mahalagang kontribusyon sa pagsulong at pagpapaunlad ng wikang Filipino. Ipakikilala sa madla ang mga nagwagi para sa Gawad KWF sa Sanaysay tungkol sa kalahagahan ng wika sa prosesong pangkapayapaan.
Ipagkakaloob din ang medalyon ng pagkilala sa mga nagwagi ng Ulirang Guro sa Filipino, ang pinakabagong gawad ng KWF para sa mga natatanging guro na nagsusulong ng pananaliksik at pagtuturo ng wika at kulturang Filipino.
Magsisilbing pagdiriwang ng mga tagumpay ng wika ang KWF Araw ng Gawad.
Para sa iba pang impormasyon, makipag-ugnayan sa Sangay ng Salita at Gramatika (SSG) sa telepono blg. (02) 736-2525 lok. 101.