Hinihikayat ang mga mananaliksik, manunulat, guro, at mga eksperto na magsumite ng kanilang panukalang publikasyon na ililimbag sa ilalim ng programang Aklat ng Bayan ng KWF. Ang Aklat ng Bayan ay isang paraan ng pagtatanghal sa kapasidad ng wikang Filipino bilang wika ng malikhain at intelektuwal na gawain. Isang paraan ito ng pag-iimbak ng karunungan sa iba’t ibang disiplina na Filipino ang wika sa pagsulat at saliksik.
Sasagutin ng KWF ang lahat ng gastusin sa paglalathala mula sa editing hanggang sa pagpapaimprenta ng manuskrito. Dadaan sa Lupon sa Monitoring at Ribyu ng KWF ang mga manuskrito para sa kaukulang pagsusuri at pag-aproba ng panukalang proyekto at pagkaraan ay sa Yunit ng Publikasyon para sa kaukulang editing, layouting, at pagpapalimbag. Isusunod sa KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat ang format ng pagsulat ng talababa, talasanggunian, atbp ng manuskrito. Hindi tatanggapin ng KWF ang mga plahiyadong akda.
Kinakailangang maglakip ang proponent ng kaniyang curriculum vitae. Kinakailangan ding maglakip ng referral form (maaaring i-download sa KWF website) mula sa dalawang propesyonal hinggil sa kainaman ng proyekto at kung karapat-dapat na mailimbag ang manuskrito. Ipadadala ang mga panukalang publikasyon sa komfil.gov@gmail.com na may kaukulang email sabjek na AKLAT NG BAYAN.
Tatanggap ng kaukulang royalti ang may-akda at/o editor ng naturang manuskrito.
Para sa proposal at referral form, magtungo sa http://www.docdroid.net/ed0a/proposal-for-publication-printing.pdf.html