Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang lahat ng mga mananaliksik, guro, estudyante, at iba pang may interes sa wika para sa Pagpapakilala ng Aklat ng Bayan sa Bulwagang Marble, Pambansang Museo, 15 Agosto 2014, 4nh–7ng.
Ang Aklat ng Bayan ang serye ng publikasyon na inilalathala ng KWF na naglalayong maipamahagi sa mga Filipino ang mga napapanahon, wasto, at mahahalagang kaalaman at pagpapahalagang Filipino. Layunin nitóng maglathala ng mga katangi-tanging saliksik at mga likha na magtatampok sa paggamit ng Filipino bilang wika ng karunungan.
Labingwalong publikasyon na may iba’t ibang paksa at larang ang ipakikilala sa nasabing gawain. Ilan sa mga aklat na ito ang pagsasalin ng mga panitikang-bayan, salin ng mga pananaliksik, muling-paglalathala ng mga panayam ng mahuhusay na alagad ng wika, at mga manwal hinggil sa mabisa at estandardisadong paggamit ng wikang Filipino.
Bukod sa ipakikilalang mga aklat, magsasagawa rin ng booksale ang KWF at maghahandog ng “buy one take two” promo para sa mga bibili.
Hindi rin maniningil ang Pambansang Museo ng takdang entrance fee sa mga eksibit sa araw na ito para sa mga dadalo sa naturang pagtitipon.
Para sa iba pang detalye, makipag-ugnayan sa Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN) sa telepono blg. (02) 736-2519.