
Si Prop. Solita Collas-Monsod, tagapanayam ng Adrian Cristobal Lecture 2015. Larawan mula sa Philippine Star.
Sa Agosto 29, 2015, muling idaraos ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), ang pinakamalaking samahan ng mga manunulat sa iba’t ibang wikang umiiral sa buong kapuluan, ang Pambansang Kongreso ng mga Manunulat sa Escaler Hall ng Ateneo de Manila University. Ang aktibidad na ito ay isang pagtitipon-tipon ng lahat ng mga propesyonal na manunulat na kasapi at ibig maging kasapi ng UMPIL. Sa araw na ito, maaaring mag-renew ng pagiging kasapi at mag-aplay na maging kasapi ang mga dadalong manunulat. Limang daang piso (Php 500) ang halaga ng pagpapatala bilang kasapi. Bukás din ang aktibidad sa mga guro, mag-aaral, at iba pang interesadong sumaksi sa mga tampok na gawain sa araw na ito.
May tatlong pangunahing bahagi ang Pambansang Kongreso ng mga Manunulat 2015. Una, ang Adrian Cristobal Lecture Series sa ika-9:00 ng umaga hanggang ika-12:00 ng tanghali. Ikalawa, ang Writers’ Forum sa ika-1:00 hanggang 2:30 ng hapon. Ikatlo, ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, Gawad Paz Marquez Benitez, at Gawad Pedro Bucaneg sa ika-3:00 hanggang ika-5:00 ng hapon.
Ang Adrian Cristobal Lecture Series ay idinaraos ng UMPIL sa pakikipagtulungan ng pamilya ng namayapang bantog na manunulat at dating tagapangulo ng UMPIL na si Adrian E. Cristobal. Nag-aanyaya ang UMPIL ng isang kinikilalang intelektuwal na pangmadla (public intellectual) ng bansa upang magbigay ng isang panayam para sa mga kasapi at kaibigan ng samahan bilang paggunita at pagpaparangal sa mabungang intelektuwal na buhay ni Adrian E. Cristobal. Malayang pinamimili ang inaanyayahang tagapagsalita ng paksang tatalakayin basta may kinalaman sa sitwasyong panlipunan, pampolitika, o anumang usaping pangkultura at pangkaunlaran ng Filipinas. Ang mga naunang naging Adrian Cristobal Lecturer ay sina Dr. Gemino H. Abad (2011), Dr. Virgilio S. Almario (2012), Dr. Resil B. Mojares (2013), Dr. Reynaldo C. Ileto (2014). Sa taóng ito, ang nahirang na maging Adrian Cristobal Lecturer ay si Propesor Solita Collas-Monsod, ekonomista at bantog na personalidad sa radyo at telebisyon mula sa Departamento ng Ekonomiya ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, at ang pamagat ng kaniyang magiging panayam ay “The Largest Crocodile in the World.”
Ang Writers’ Forum ay isang sesyong nauukol sa pag-uusap-usap tungkol sa isang partikular na mahalagang isyu na kinakaharap ng mga manunulat kaugnay ng patuloy at mahusay na pagtupad nila ng kanilang propesyon. Dito nakakapag-usap ang mga manunulat tungkol sa sarili nilang kalagayan at kapakanan bilang isang sektor na may kongkreto at malinaw na papel na ginagampanan sa pagsulong ng lipunang Filipino. Sa taóng ito, ang paksa ng Writers’ Forum ay “E-Karapatan: The Writers’ Rights On-line.”
Ang pinakatampok na bahagi ng Kongreso ay ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, Gawad Paz Marquez Benitez, at Gawad Pedro Bucaneg. Mula pa noong 1988, nagkakaloob ang samahan ng gawad pagkilala sa mga manunulat ng bansa na nagpapatuloy ng tradisyong pampanitikan at buong buhay na naglilingkod sa lalo pang ikayayabong at ikalalaganap ng panitikan ng Filipinas. Ang mga tatanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas 2015 ay sina Crisostomo B. Balairos para sa kathang Hiligaynon, Nemesio S. Baldesco Sr. para sa tulang Waray, Rafael A. Banzuela Jr. para sa tulang Bikolnon, Marcelo A. Geocallo para sa kathang Sebuwano, Susan S. Lara para sa kathang Ingles, Linda T. Lingbaoan para sa kathang Ilokano, Yen Makabenta para sa sanaysay sa Ingles, Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr. para sa tulang Filipino, Danton R. Remoto para sa tulang Ingles, at Rody Vera para sa dulang Filipino.
Pagkilala sa mga namumukod-tanging guro ng wika at panitikan ang Gawad Paz Marquez Benitez at sa mga matagumpay na samahang pampanitikan at pangkultura naman ang Gawad Pedro Bucaneg. Sa taóng ito, ang pararangalan bilang huwarang guro ng panitikan at taliba ng wika ay si Dr. Erlinda Kintanar Alburo, ang dating direktor ng Cebuano Studies Center at retiradong propesor ng University of San Carlos sa Lungsod Cebu. Samantala, ang tatanggap ng Gawad Pedro Bucaneg ay ang Integrated Performing Arts Guild (IPAG), ang residenteng kompanyang panteatro ng Marawi State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) sa Lungsod Iligan.
Malugod na inaanyayahan ang lahat ng manunulat na Filipino sa iba’t ibang wika ng Filipinas na dumalo sa napakahalagang aktibidad na ito. Pagkakataon ito upang magkatipon-tipon bilang isang sektor ang mga dati nang kasapi at mga ibig maging kasapi ng UMPIL. Pagkakataon ito, higit sa lahat, ng pagpapahalaga at pagdiriwang sa pagsusulat bilang isang dakilang propesyon.
Para sa iba pang detalye, maaaring makipag-ugnayan kay Bb. Eva Garcia Cadiz sa pamamagitan ng tawag o text sa numerong 09178453721. Maaari ring magpadala ng email kay Dr. Michael M. Coroza, ang Sekretaryo Heneral ng UMPIL, sa adres na ito: mcoroza@ateneo.edu.