Opinion

Roberto Añonuevo: Idyoma, talinghaga, at tayutay sa komunikasyon ng mga Filipino

Columnist TemplateAno ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino? Ito ang isa sa maraming tanong na sinasagot ng Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino (2002) ni Melba Padilla Maggay. Hitik umano sa pahiwatig at ligoy ang pakikipag-usap ng mga Filipino, dahil nagmumula sila sa kulturang may mataas na uri ng pagbabahaginan ng kahulugan, kompara sa mga taga-Kanluran na itinuturing na may mababang konteksto ng kulturang mababa rin ang antas ng pagbabahaginan ng kahulugan. Bukod dito’y ginagamit ng mga Filipino ang konsepto ng pakikipagkapuwa—na pagturing sa kausap bilang bahagi ng sarili—na mauugat sa kulturang mataas ang pagpapahalaga sa ugnayan ng pamayanan.

Habang lumalayo ang agwat ng pagsasamahan ng mga Filipino, ani Maggay, lalong tumataas ang antas ng di-pagkatiyak sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Halimbawa, gagamit ang mga Filipino ng mga tayutay (figure of speech), bulaklak ng dila (idyoma), at talinghaga (metapora) kung ang kausap ay itinuturing na “ibang tao” (i.e., hindi kaibigan, kaanak, o kakilala). Itinuturing na maligoy ang gayong paraan ng komunikasyon, samantalang nagtatangkang ihayag ang “panlabas” na anyo ng pakikipag-ugnay at pakikibagay. Pormal ang tono ng pakikipag-usap, at nakatuon sa pagpapakilala.

Ngunit may kakayahan din ang mga Filipino na magsabi nang tahas, kung ang kausap ay kapalagayang-loob. Ang “kapalagayang-loob” dito ay maaaring kaanak, kaibigan, o kasamang matagal nang kakilala at matalik sa loob ng isang tao. Idinagdag ni Maggay na mahilig umano ang mga Filipino sa malapitang pag-uugnayan, na humihipo at dumadama sa mga tao at bagay-bagay. Kung pagbabatayan naman ang tahas at magagaspang na banat ng mga komentarista sa radyo, diyaryo, at telebisyon sa ilang personalidad o politiko, ang gayong paraan ng komunikasyon ay maaaring pagbubukod mismo ng mga taong nanunuligsa sa mga taong tinutuligsa. Ang ugnayan ay maaaring nagiging “kami” laban sa “kayo,” na hindi lamang umaangat sa personalismo, gaya ng isinaad ni Maggay, bagkus kaugnay ng papel ng kapangyarihan at impluwensiya mula sa dalawang panig.

Mahabang disertasyon naman kung pag-aaralan ang paraan ng komunikasyon ng mga blogistang Pinoy sa cyberspace. Ang mga blogistang Pinoy ay maaaring isaalang-alang pa rin ang dating anyo ng komunikasyon ng mga Filipino, at ang pagtuturingan ng mga nag-uusap ay hindi bilang magkakabukod na entidad bagkus matatalik sa kalooban o sirkulo ng blogista. Nalilikha ang pambihirang espasyo sa pagitan ng blogista sa kapuwa blogista o mambabasa, at sumisilang ang isang uri ng diskursong matalik sa sirkulo nila. Halimbawa, ano ba ang pakialam ng mambabasa kung nakabuntis ang isang blogista o kaya’y nagkahiwalay ang dalawang blogistang dating magkasintahan? Makapapasok lamang sa ugnayan ang mambabasa kung ang pagturing ng mga blogista sa kanilang mambabasa ay para na ring kalahok sa mga pangyayari, at ang gayong pangyayari ay likha ng konsepto ukol sa “pamayanan” ng mga Filipinong blogista. Sa ilang Filipino, ang pagsulat ng blog ay pagsangkot na rin sa madlang mambabasa sa anumang nagaganap sa buhay ng blogista, kaya ang mambabasa ay hindi basta “ibang tao” bagkus “kapuwa tao” na marapat makaalam, makaugnay, at makatuwang sa lahat ng bagay.

Mahalaga ang kapuwa-sa-kapuwang komunikasyon ng mga Filipino. Kung babalikan ang mga pag-aaral ni Iñigo Ed. Regalado hinggil sa “talinghaga,” “kawikaan,” at “tayutay,” mababatid na kumukuha ang mga Filipino noong sinaunang panahon ng mga salitang buhat at kaugnay sa kaligiran, at ang mga ito ang kinakasangkapan sa paghahambing, pagtatambis, pagtutulad, at panghalili sa mga katangian ng tao na pinatutungkulan, ngunit ayaw tahasang saktan dahil sa kung ano-anong dahilan. Malimit gamitin noon ang pisikal na anyo ng hayop, isda, ibon, insekto, halaman, at bagay upang itumbas sa ugali at asal ng tao. Halimbawa nito ang “tagong-bayawak” na tumutukoy sa “madaling makita”; “buhay-pusa” na mahaba ang buhay; at “paang-pato” na katumbas ng “tamad.” Kung minsan, ginagamit ang isang bahagi ng katawan upang maging metonimiya sa ugali, pananaw, at asal ng isang tao. Maihahalimbawa rito ang “taingang-kawali” na ibig sabihin ay “nagbibingi-bingihan”; “mainit ang mata” na katumbas ng “buwisit” o “malas” na miron sa sugalan; at “marumi ang noo” na katumbas ng “taong may kapintasan.” Heto ang ilan pang tayutay at idyomang tinipon ni Regalado, ang mga kawikaang maaaring nakaiwanan na ng panahon, ngunit maaaring balikan ng mga Filipino upang ipagunita sa susunod na henerasyon:

Talinghagang tinumbasan ng mga katangian ng hayop, ibon, isda, kulisap, at halaman
Asong-pungge — susunod-sunod sa dalaga
Balat-kalabaw — Matibay ang hiya; walanghiya
Balat-sibuyas — maramdamin; madaling umiyak
Basang-sisiw — api-apihan; kalagayang sahol sa hirap
Buhay-alamang — laging nasusuong sa panganib; hikahos
Buhay-pusa — mahaba ang buhay; laging nakaliligtas sa panganib
Bulang-gugo — bukás ang palad sa paggasta
Buwayang-lubog — taksil sa kapuwa; hindi mabuti ang gawa
Dagang-bahay — taksil sa kasambahay
Kakaning-itik —api-apihan
Kutong-lupa — bulakbol; walang hanapbuhay
Lakad-kuhol — mabagal utusan; patumpik-tumpik kapag inutusan
Ligong-uwak — hindi naghihilod o gumagamit ng bimpo kapag naliligo; ulo lamang ang binabasa.
Maryakapra (marya-kapra) — babaing masagwa o baduy magbihis
Mataas ang lipad — hambog
Matang-manok — Malabo ang paningin kung gabi; Di-makakita kung gabi
May sa-palos— Hindi mahuli. Mahirap salakabin. Madulas sa lahat ng bagay.
Nagmumurang kamatis — nagdadalaga
Nagmumurang kamyas — bagong naniningalang-pugad; bagong nanliligaw.
Paang-pato — tamad; makupad; babagal-bagal kung lumakad
Pagpaging alimasag — walang laman
Puting-tainga — maramot
Putok sa buho — Walang tiyak na ama nang isilang
Salimpusa (saling-pusa) — hindi kabilang sa anumang panig;
Sangkahig, sangtuka — Ginagasta ang siyang kinikita.
Tagong-bayawak — madaling makita sa pangungubli
Tawang-aso — tawang nakatutuya

Talinghagang tinumbasan ng mga bahagi ng katawan o kaya’y kilos ng tao
Bukás ang palad — magaang magbitiw ng salapi; galante; hindi maramot
Kadaupang-palad— kaibigang matalik
Kumindat sa dilim — nabigo; nilubugan ng pag-asa
Lawit ang pusod — balasubas
Ligaw-tingin — torpe; hindi makapagsalita sa nais ligawan
Mababang-luha — iyakin; bawat kalungkutan ay iniiyak
Mabigat ang dugo — kinaiinisan
Magaan ang bibig – palabati; magiliw makipagkapuwa
Magaan ang kamay — magandang magbuwana mano, kung sa negosyo o sugal; mapagbuhat ng kamay, o madaling manampal o manakit
Mahaba ang paa — nananaon sa oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw
Mahabang-dila — palasumbungin
Mahabang-kuko— palaumit
Mahigan ang kaluluwa — matinding galit
Mainit ang mata — malas sa panonood; nagdadala ng kamalasan kapag nagmiron sa sugalan
Manipis ang balát— mapaghinanakit; madaling masaktan kapag sinabihan
Marumi ang noo — taong may kapintasan
May balahibo ang dila — sinungaling
May bálat sa batok — malas
May bituin sa palad — masuwerte sa lahat ng bagay, lalo sa negosyo; mapapalarin
May kuko sa batok — masamang tao; di-mapagkakatiwalaan
May kurus ang dila — nagkakatotoo ang bawat sabihin
May nunal sa paa — Layás; mahilig maglagalag
May tala sa noo — babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki
May-sungay — lalaking di-pinagtatapatan ng asawa; lalaking kinakaliwa o pinagtataksilan ng asawa
Nakadikit ng laway — tanggalin; madaling tanggalin
Namuti ang mata — Nabigo sa paghihintay; hindi dumating ang hinihintay
Namuti ang talampakan — kumarimot dahil naduwag; tumakbo palayo dahil sa natakot o naduwag.
Nasa dulo ng dila — hindi masabi-sabi; hindi matandaan, bagama’t alam na alam
Naulingan ang kamay — nagnakaw; kumupit ng salapi
Puting tainga — maramot
Sa pitong kuba — paulit-ulit
Tabla ang mukha — walang kahihiyan
Taingang-kawali — nagbibingi-bingihan; kunwari’y hindi nakarinig.
Walang butas ang buto — malakas
Walang sikmura — hindi marunong mahiya

Masasabing mahiligin ang mga Filipino, lalo ang mga sinaunang Tagalog noon, sa paglikha ng mga “taguring ambil” na naghuhudyat ng kaugalian, kung lilimiin ang pag-aaral ni Regalado. Ang “ambíl” ay tumutukoy sa salita, parirala, o pahayag na may katumbas na pakahulugang hindi tuwirang nagsasaad ng orihinal na tinutukoy na ugali o asal o katangian ng tao. Sa Ingles, tinatawag itong personipikasyon at malimit kasangkapanin sa matalinghagang pamamahayag sa tula. Halimbawa, maaaring wala nang nakaaalam ngayon na ang orihinal na salitang “ganid” ay tumutukoy sa malaking asong ginagamit sa pamamaril o pangangaso. Ang “ganid” ngayon ay hindi ikinakabit sa German Shepherd o iba pang aso, bagkus sa taong “sakim” o taong nais lamang kumabig nang kumabig ngunit ayaw maglabas kahit isang kusing. Isa pang halimbawa ang “ampalaya” na ginagamit na ambil sa mga tao na “napakahirap hingan ng kahit ano, lalo na kung salapi.” Bagaman naglaho na ang ganitong taguri, higit na kilala ang ampalaya ngayon bilang pangontra sa diabetes at alta-presyon. May ibang salita namang nagbabalik ngayon, at kabilang dito ang “limatik” na isang uri ng lintang maliit ngunit masidhing manipsip ng dugo. Iniaambil ang salitang ito sa mga tao na mahilig kumabit sa ibang tao upang manghuthot ng salapi hanggang wakas; o kaya’y sa mga propitaryong “walang habas magpatubo.” Nagbabalik din ang “hunyango” na isang uri ng hayop na may pakpak, sinlaki ng karaniwang kuliglig, na nakikikulay sa bawat makapitan. Panukoy ito ngayon sa mga tao na taksil kung hindi man mapagbalatkayo. Usong-uso rin ang “balimbing” na isang uri ng punongkahoy na ang bunga ay may limang mukha o panig. Tumutukoy ito sa taong kung sino ang kaharap ay siyang mabuti, at idinagdag dito ang isa pang kahulugang tumutukoy sa politikong palipat-lipat ng partido.

Marami pang dapat pag-aralan ang bagong henerasyon ng mga Filipino hinggil sa paraan ng komunikasyon nito. At upang magawa ito’y kinakailangang magbalik sa nakaraan, halungkatin ang mga antigong dokumento at aklat, itala ang mga kuwento ng matatanda, at sipatin sa iba’t ibang anggulo ang mga wika, kaisipan, at panitikan. Maaaring maging makulay din ang gagawin nating mga ngangayuning idyoma, talinghaga, at tayutay kung maláy tayo sa mga aral ng nakaraan na pawang makatutulong sa pagbubuo ng masigla, maunlad, at abanseng panitikang Fillipino—na maipagmamalaki ng sinumang Filipino saanmang panig ng mundo.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s