Idaraos ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa pakikipagtulungan ng Office of Research and Planning ng Pamantasang San Agustin sa Lungsod Iloilo ang “Umpilan sa Iloilo,” bahagi ng serye ng mga panayam hinggil sa mga panitikan ng Filipinas, sa pagtalakay sa lagay at tunguhin ng panitikang Tagalog at Tsinoy, sa Abril 28, 2014, 10:00 n.u., sa President’s Conference Room ng San Agustin.
Tampok na mga tagapanayam sina Rebecca Añonuevo at Shirley Lua. Ang manunulat sa Kinaray-a na si John Iremil Teodoro ang tagapagpadaloy.
Si Añonuevo, taal na taga-Pasig, ay premyadong makata na may-akda ng anim ng libro ng mga tula sa Filipino kabilang ang Bago ang Babae at Isa Lang ang Pangalan. Propesor siya ng Filipino at Literatura sa Kolehiyong Miriam. Si Lua naman ay isang kilalang edukador at kritiko na eksperto sa Literaturang Tsinoy. Isa rin siyang makata. Propesor siya ng literatura sa Pamantasang De La Salle-Manila.
Libre at bukás ang aktibidad sa publiko, lalo na sa mga guro at mag-aaral ng Panitikan ng Filipinas. Inaanyayahan ding dumalo ang mga kasapi at ibig maging kasapi ng UMPIL. Tumawag lamang sa 337-7716 (Hanapin si Ms. Carmen Dureza) para sa reserbasyon.
Ang Umpilan sa Iloilo ay bahagi ng pagbubukas ng 12th San Agustin Writers Workshop na gaganapin sa Abril 28-30.
Para sa iba pang detalye, maaaring magpadala ng mensahe kay Dr. Michael M. Coroza, Secretary General ng UMPIL, sa mcoroza@ateneo.edu o kay Bb. Eva Garcia Cadiz sa gondour03@yahoo.com.