Interview

Interview: John Barrios

ni Noel Galon de Leon

Hindi lamang guro at manunulat si John Barrios, isa rin siyang iskolar sa wika, isang artista. Ang totoo niyan isa si Barrios sa kaabang-abang na manunulat sa panitikang Akeanon, bukod sa palaging bago sa panlasa ang inihahain niyang mga dula at maikling kuwento, katangi-tangi niya pang naipakikita ang kultura ng Aklan na sa tingin ko ay nag-angat kay Barrios sa mga kasabayan niyong manunulat sa Kanlurang Visayas, ang lugar kung saan hinubog ang isang manunulat na mulat at malay sa pangangailangan ng isang panitikang nanahimik sa matagal na panahon.

John Barrios sa 2012 UP National Writers Workshop (Larawan mula sa http://upworkshop2012.wordpress.com/)

John Barrios sa 2012 UP National Writers Workshop (Larawan mula sa upworkshop2012.wordpress.com)

Kasalukuyang Komisyoner sa Wikang Hiligaynon ng Komisyon ng Wikang Filipino si Barrios. Naging bahagi na rin siya ng pagpapalabas ng ilang dula habang nanunungkulan bilang guro sa UPHS-Iloilo. Nariyan halimbawa ang mga dulang Paglilitis ni Mang Serapio (ni Paul Dumol) na itinanghal ng UPHSI Junior Theater Arts Club (December 2005); Sweet-hearts (Theater Arts Guild of UPV, 2006); Karoling (UPHSI Junior Theater Arts Club, December 2006); at Tinyinti Gimo mits Marya Labo (UPHSI Junior Theater Arts Club, December 2008). Ilan sa mga librong naipalimbag ni Barrios ay ang The Katipunan in Aklan (with co-authors Melchor F. Cichon and Dominador I. Ilio, Manila: National Centennial Committee, April 1997); Selebrasyon at Lamentasyon: Antolohiya ng Maikling Kuwento sa Panay (co-editor, Diliman: Sentro ng Wikang Filipino, U.P. System, 1998); Engkant(aw)o ag iba pa nga matag-ud nga mga istorya (Manila: National Commission for Culture and the Arts, 20050; Bigkas Binalaybay: Kritisismo at Antolohiya (co-editor, Iloilo: Sentro ng Wikang Filipino, U.P. Visayas at National Commission for Culture and the Arts, February 2008); at Engkant(aw)o at iba pang mga maikling kuwento (Translation, Iloilo: Invictus-Imprenta Igbaong, 2009).

Dahil sa sipag at pagpupursige ni Barrios bilang manunulat sa mga wikang Aklanon, Hiligaynon, Filipino at Ingles tumanggap na rin siya ng ilang pagkilala at grants mula sa ilang respetadong institusyon, nariyan halimbawa ang 1995 Cultural Center of the Philippines Literary Grant for Short Story, National Commission for Culture and the Arts Ubod Series for Short Stories (2005), Metro Manila Cultural Commission Professorial Chair Lecture (2006), Most Outstanding Alumnus, Regional Science High School of Aklan (2006), Most Outstanding Kalibonhon – Historical Research (2006), Fray Luis de Leon Creative Writing Grant (2007), at Metro Manila Cultural Commission Professorial Chair Lecture (2008).

Upang mas makilala pa natin ang isa sa itinuturing na haligi ng panitikang Akeanon sa Filipinas, narito ang pakikipanayam ko sa kaniya.

Kalatas: Sino si John Barrios sa Panitikang Akeanon? At paano mo tinitignan ang Panitikang Akeanon mula sa iyong mga panulat?

Barrios: Dalawang bagay: organisasyon at panulat. Ang panitikang Akeanon o panitikang nasusulat sa wikang Akeanon ay matagal na nawala sa sirkulasyon ng mga babasahin (nabuhay ito noong unang tatlong dekada ng 20 dantaon sa mga pahayagan) at muling nabuhay noong inorganisa namin (kasama si Joeffrey Ricafuente bilang Presidente at Melchor Cichon bilang Adviser) ang Akeanon Literary Circle (ALC) noong 1991. Ang ALC ay nakapagdaos ng mga workshop (sa ilalim ni Leoncio Deriada) at nakapaglathala ng Bueabod Literary Journal. Nakilala ako, una, sa aking mga tula na nalathala sa mga antolohiya at journal ng CCP at NCCA. Pero naging malaking bagay ang pagkamit ng CCP Grant sa Pagsulat ng Maikling Kuwento sa Akeanon na nakamit ko noong 1995 at kung saan nalathala sa isang koleksiyon na inilabas ng NCCA Ubod Series, ang Engkant(aw)o ag Iba pa nga matag-ud nga Istorya. Ang pagkakaroon ng salin ng aking mga maikling kuwento sa Filipino sa ibang antolohiya at koleksiyon ang nagpakilala sa akin bilang manunulat. Para sa akin ang panitikang Akeanon ay hindi lang nasusulat sa wikang Akeanon. Itinuturing kung ang pagsusulat ko ng mga kuwento (at tula) tungkol sa Aklan at bilang isang Akeanon ay isa nang asersyon na merong isang espasyong puweding tawaging “Aklan” at kung saan maaaring magmina ng mga isusulat. Kahit na nagsusulat ako sa Filipino para sa mga antolohiyang nilalathala ng mga editor at manunulat sa Filipino ay inaaku ko pa rin ang aking posisyon bilang Akeanon lalo na kapag ako’y nagkukuwento tungkol sa Aklan.

Kalatas: Paano ka nagsimulang magsulat?

Barrios: Produkto ako ng mga workshop ni Deriada. Ang mga kasamang manunulat sa ALC ang naging katulong na kritiko sa aking mga unang mga sinulat na tula at maikling kuwento. Ang mga akdang ito ay nalathala sa mga antolohiya at journal. Ang pagkakalathala ng aking dula at mga tula sa ANI 21 ng CCP, ang kauna-unahang antolohiya sa Akeanon, ay maituturing na mahalagang pangyayari sa akin bilang manunulat kung saan nabasa ang aking mga akda hindi lang sa sariling lugar ngunit pati na rin sa ibang panig ng bansa.

Kalatas: Ano ang matitingkad na karanasan mo sa Panitikang Akeanon?

Barrios: Ang pagsulat sa sariling wikang Akeanon ay isang karanasang nagdala sa akin sa realisasyong makapangyarihan ang wika lalo na kapag ito ay ginamit bilang asersyon ng kultura ng isang etnolinguistikong grupo, sa aking kaso, ang Akeanon. May mga nadiskubre ako sa proseso ng pagsusulat sa sariling wika na hindi ko madidiskubre sa pagsusulat sa Filipino, sa Ingles o sa Hiligaynon. Isa na rito halimbawa ang pagkakadiskubre na ang wika ay may sariling kaluluwa–na ito ay nakapagsasalita na may lalim na tanging ang gumagamit ng wika lamang ang makakaaruk.

Kalatas: Kilala ka bilang manunulat na labas sa kung ano ang tradisyonal na pagsulat ng kuwento at dula, paano mo bibigyang paliwanag ang maaga mong tangka na lumabas at magsulat ng mga akdang bago sa panlasa ng mambabasang Akeanon? At ang pag-angkas ng pagiging marginalised bilang pangunahing rason ng pagpapatuloy mo sa pagsulat?

Barrios: Ang konsepto ng tradisyunal at bago ay hindi establing mga konsepto. Ang mga ito ay maituturing ng konstrak lamang ng dominanteng grupong sumusulong ng kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap. Ang pagsusulat sa anyo at nilalamang hindi pa kinikilalang tradisyunal ay hindi nangangahulugang pumapaloob ang isang manunulat sa espasyo ng laylayan (marginal). Ito ay sa dahilang wala namang bagong nasusulat na nagmula sa bula o sa wala. Lahat ng pagsusulat ay may pinaghuhugutan. Ang pagsusulat ko halimbawa tungkol sa engkanto at tamawo ay pagpapatuloy lamang ng pasalitang panitikan na sinapawan na–dahil na rin sa matagal na panahon–ng pasulat na panitikan.

At dahil sa ako’y nagsusulat sa Akeanon at sa Filipino, hindi ko itinuturing ang aking sarili na nasa laylayan (marginalised). Ang aking mga kuwento ay nalalathala sa mga antolohiya at journal kasama ang iba pang mga manunulat na galing sa iba’t ibang rehiyon ng P/Filipinas.

Kalatas: Ano ang maipapayo mo sa mga kabataang nagsusulat sa Akeanon? Ano ang nakikitang mong paraan upang mas makilala at mapag-usapan sa mas malawak na espasyo ang Panitikang Akeanon?

Barrios: Magsimula silang magsulat sa kanilang sariling wika. Dito nila madidiskubre, sabayan marahil, ang kanilang iba’t ibang mga sarili, at hindi lang ang pagiging Akeanon. Sa huli, malalaman din nila na ang Panitikang Akeanon ay hindi lang nakaangot/konektado sa wika. Na ito ay nasa kaluluwa, o sa mas mainam na pananalita, sa mga watak-watak na kaluluwa–sa mga nilikha at inimbentong identidad na maaaring mabuhay o mamatay sa pagdaan ng mga panahon. Napag-uusapan at tinatalakay sa akademya ang Panitikang Akeanon dahil sa mga nilathalang salin ng mga tula at kuwento sa wikang Filipino. Sa anyong salin, masasabing hindi na nga ito tungkol sa “Aklan” o “Akeanon” lamang. Higit pa, ang mga akdang isinalin ay naging diskurso na sa anyo at ideolohiyang nakakabit sa panitikan. Ang kuwento ko na “Bisikleta” halimbawa, na ginagamit sa kursong Filipino sa isang unibersidad ay hindi na binabasa bilang karanasan ng isang batang Akeanon sa relihiyosong praktis ngunit bilang isang diskursong panrelihiyon (at pangteknolohiya) sa higit na mas malawak na larangan.

Kalatas: Paano mo gustong makilala bilang manunulat?

Barrios: Nais kong makilala ako na isang manunulat at hindi isang manunulat na Akeanon lamang.

Kalatas: Nakatanggap ka na ba ng rejection slips? At paano mo ito hinarap?

Barrios: Maraming beses na. Ipinagpapatuloy ko lang ang muling pagsusumite ng akda. Sa isang partikular na karanasan, sa pagsumite ng akda para sa isang workshop, sinabihan ako ng worshop director na pangit ang aking kuwento at kailangan kong palitan ito sakaling gusto ko pang sumali uli. Ibinigay ko ang kuwento sa isang editor at ito ay napasama sa isang koleksiyon ng mga maikling kuwento. Ito ay nakapagbigay-interes sa ilang guro at ngayon ay naging bahagi na ng mga babasahin sa kanilang mga klase sa panitikan. Ito ang naging kapalaran ng aking kuwentong “Txtm8rs”.

Kalatas: Alam ng marami na naging pangunahing impluwensya mo si Dr. Leoncio P. Deriada sa panulat noong nagsisimula ka pa lamang, maliban sa kaniya, sino pa ang naging impluwensiya mo sa pagpapatuloy mo bilang manunulat?

Barrios: Malakas ang naging dating ng mga “bagong” (postmodernong) kuwento ni Roland Tolentino sa akin. Sa anyong eksperimental at makabago nagpatuloy akong magsulat ng kuwento matapos ang unang koleksyon para sa CCP Grant na impluwensyado ng Pormalismo. Kabilang din sa mga naging impluwensya ko ang mga manunulat na sina Jorge Luis Borges, Isabel Allende, Gabriel Garcia Marquez, Ninotchka Rosca, Alfred Yuson, at Haruki Murakami.

Kalatas: Sino-sino ang kontemporaneo mo sa pagsusulat sa Akeanon? At sa mga sandaling ito ay dapat kilalanin bilang manunulat na may malaking ambag sa paglago ng Panitikang Akeanon?

Barrios: Alexander de Juan, Joeffrey Ricafuente, Nynn Arwena Tamayo, at Melchor Cichon.

Kalatas: Sa palagay mo, kailangan bang kumuha ng kursong malikhaing pagsulat o sumailalim sa palihan ang nagsisimulang manunulat? Bakit?

Barrios: Karaniwan, ang mga palihan at kurso sa malikhaing pagsusulat ay nagtatakda ng kung ano ang magandang akda na determinado at diktado ng kanon ng panitikan. Sa kaso ng ilang mga manunulat, ang pag-enrol sa kurso at pagsali sa palihan ay naging balakid pa sa kanilang pagtugis ng kanilang kakayahan para maging “malikhain”. Sa kabilang banda, hindi rin masama ang sumali at mag-enrol sa kurso dahil dito rin masusubok ang pagiging bukas at sarado ng isang manunulat sa mga idea at impluwensya.

Kalatas: Sa tingin mo ba mahalaga ba ang pagsali sa mga patimpalak gaya ng Palanca? Paano ito makatutulong sa isang manunulat?

Barrios: Mahalaga ring magkaroon ng karanasan angot sa patimpalak dahil dito minsan naiaakda ang iyong pagiging kabilang o hindi kabilang sa dominanteng panitikan. Ngunit matapos mong mapatunayan kung nasaan ka, kailangan mo nang piliin ang iyong daang tatahakin. Marami ring mga manunulat na hindi sumasali sa patimpalak na nakikilala dahil sa sariling galing at kakayahan na hindi mahuhusgahan sa pamamagitan ng pakikipagkontes sa galing at kakayahan ng iba.

Kalatas: Ano ang opinyon mo sa usaping self-publishing o independent publishing, at/o e-publishing na nagkakaroon na ngayon ng puwang sa mundo ng panitikan at mundo ng publishing?

Barrios: Tulad ng pagbabago ng kahulugan ng Panitikan ayon na rin sa pagbabago ng panahon, nagbabago rin ang midyum ng produksyon ng panitikan. Ang pagkakaroon ng teknolohiya at oportunidad na hindi na kailangang dumaan sa nakasanayang proseso ng publikasyon ay isang bukas na larangan para subukan ng mga manunulat. Ang print ay unti-unti nang natatabunan ng digital na texto ng panitikan at marahil ang mas mabagal nitong proseso at istriktong kapamaraanan ay magbibigay-daan rin sa pagkakaroon ng mabilis at maluwag na pananaw ng mga tao sa panitikan.

Kalatas: Sa Panitikang Akeanon, paano dapat tignan ang pagsasalin bilang disiplina? Ano ang opinyon mo sa pagsasalin ng mga akda nito mula Akeanon pa-Filipino?

Barrios: Ang pagsasalin ay kailangang tignan bilang isang nesisidad para maiakda ang mas malawak na saklaw ng panitikan. Ang pagsasalin ng mga akdang Akeanon sa Filipino ay isang hakbang para makasali ang mga Akeanon sa diskursong pambansa at pandaigdig (dahil ang Filipino ay ginagamit na ring wika sa ibang bahagi ng mundo).

Kalatas: Ano ang hinaharap ng Panitikang Akeanon sa pagbuo ng pambansang panitikan?

Barrios: Ang Panitikang Akeanon ay nakapag-ambag na sa proyektong ito ng pagbuo ng pambansang panitikan sa pamamagitan ng mga nalathalang salin ng mga akdang Akeanon sa Filipino na mababasa sa mga journal at antolohiya. Kailangan lamang ipagpatuloy ang pagsusulat sa Akeanon at pagsasalin ng mga akdang ito sa wikang Filipino.

Kalatas: Ano ang dapat asahan ng maraming mambabasa ni John Barrios sa pagpasok ng taong 2013? Mga planong gawin?

Barrios: Ang paglabas ng “Txtm8rs at iba pang kuwento,” ang ikalawang koleksiyon ng mga maikling kuwento ni John Barrios.

Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.

Advertisement

4 thoughts on “Interview: John Barrios

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s