ni Noel Galon de Leon
Mahaba-haba na rin kung tutuusin ang naging paglalakbay ng panitikang Kinaray-a, sa loob ng halos 25 taon nito buhat nang magsimula bilang panitikan, marami-rami na rin itong inihaing bago sa panlasa ng mga mambabasang Karay-a, nariyan halimbawa ang mga sugidanun [kuwentong-bayan] at sanaysay ni Maria Milagros C. Geremia-Lachica na tumalakay sa ilang payak na karanasan ng pagiging anak, asawa, at babae mula sa bukid, mga sugidanun at binalaybay [tula] nina Alex C. Delos Santos, John Iremil E. Teodoro, Genevieve L. Asenjo, at Jose Edison C. Tondares na naghain ng mga kuwentong kontemporaneo, malay sa kasarian, at may kapit sa sariling kultura at wika na maaaring tingnan bilang postmodern na klase ng panulat. Ilan sa kanilang mga akda ang humubog at pormal na nagpakilala na buhay at mayroong panitikan ang mga Karay-a.
Bagaman naging masigasig sa loob ng dalawang dekada ang mga manunulat sa Kinaray-a, kapansin-pansin pa rin ang pagkaetsapuwera ng panitikang pambata sa pagsisimula nito. Wala tayong alam na awtentikong sugidanun pambata sa Kinaray-a o binalaybay pambata na sumubok ipakilala ang partikular na karanasan ng mga batang Karay-a. Nakalulungkot dahil hanggang sa mga sandaling ito ay tila walang representasyon ang panitikang Kinaray-a sa binubuo nating pambansang panitikan.
Kaya panandang-bato ang antolohiya ng mga sugidanun pambata na inilimbag ng Dungug Kinaray-a (DK), “Padya Dungug Kinaray-a 7: Antolohiya kang mga Sugidanun Pambata” (Central Book Supply, Inc., 2013). Sa pamamagitan nito ay makikilala natin ang tinig ng mga kikilalahin nating mga manunulat pambata sa panitikang Kinaray-a. Ito ang unang antolohiya ng DK na sumubok tugunan ang pangangailangang maglimbag ng mga libro at koleksiyong malay sa pangangailangan ng partikular na batang Karay-a. Binubuo ito ng sampung sugidanun: “Ang Alibangbang nga Wara ti Pakpak” ni Edison M. Otañes, “Si Ulong-ulong kag si Sige-sige” ni Rufema G. Vegafria, “Sa Paghawan kang Bakhawan” ni Gil S. Montinola, “Ang Pagdayaw ni Mali kag Pipo sa Bulan” ni Cor Marie V. Abando, “Bilog ang Bola” ni Megan C. Lagordo, “Si Barsikok kag ang Anang Anghel dela Gwardya” ni Crystal Rose S. Espinosa, “Si Ben Sungi” ni Rodita N. Juanillo, “Ang Pagkadura kang Uko kag Mangilaw” ni Jaypee M. Alonsagay, “Hardin kang Eden” ni Celestino S. Dalumpines, at “Kataw” ni Leynard Floyd M. Alcoran.
Bagaman litaw na litaw pa rin ang impluwensyang Kanluranin sa mga sugidanun sa koleksyong ito, naihain naman nang maayos ng mga manunulat ang kasiningan sa paglalahad ng tunggalian para sa mga bata na tinutukoy ng antolohiya (7 hanggang 12 anyos). Halimbawa, sa kuwentong “Kataw” at “Hardin kang Eden,” naipaunawa sa atin ng mga kuwentong ito ang konsepto ng salitang “responsibilidad” na hindi lamang nakatuon sa sarili o pansarili, kundi ang konsepto ng responsibilidad ng bata sa kanyang komunidad at kapwa, na ang pagtulong sa kapwa ay hindi humihingi ng anumang kapalit. Papatok ang mga kuwentong ito sa kontemporaneong panlasa ng mga mambabasang batang Karay-a, bukod sa ang marami sa mga ito ay hinango sa poklor at parabula, naging malay ang mga manunulat ng kuwentong “Ang Pagkadura kang Uko kag Mangilaw,” “Si Ulong-ulong kag si Sige-sige,” at “Ang Pagdayaw ni Mali kag Pipo sa Bulan” sa paggamit ng mga estratehiya sa pagsulat upang makapaghain ng bago, interesante at kapakipakinabang na mga kuwento.
Malaki ang kontribusyon ng antolohiyang ito hindi lamang upang ipakilala at dugtungan ang buhay ng panitikang Kinaray-a, kundi batid ng mga editor na sina Ritchie D. Pagunsan at Alex C. Delos Santos ang pangangailangang maglimbag ng mga materyales panturo sa Kinaray-a ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) para sa nagbabagong sistema ng edukasyon sa Filipinas, kung gayun, hindi lamang matutuwa ang mga batang nakaiintindi ng wikang Kinaray-a, kundi maging ang mga guro na nagtuturo ng wikang kinagisnan, at maging ang DepEd.
Binigyang-buhay at sinalamin ng sampung kuwento sa antolohiyang ito ang sitwasyon ng panitikang bata sa panitikang Kinaray-a, na maging sa labas ng sentro ay maaaring humabi o maghabi ang isang Filipinong bata ng isang makulay at makabuhluhang karanasan sa kanyang pagkabata. Na sa kabila ng masalimuot na mundo na inihahain ng media ay may lugar pa rin kung saan pwedeng makilala ng bata higit sa materyal na bagay ang esensya ng buhay. Sabi nga ng manunulat na si Genevieve L. Asenjo, ang mga kuwentong pambata diumano sa Hiligaynon at Kinaray-a ngayon ay magagaling at informed sa mga bagong istilo at teknik, na talaga namang nakita natin sa antolohiya ng DK. Bagaman isang hamon para sa mga nagsusulat ng sugidanun-pangbata sa Kinaray-a at Hiligaynon ang pagkukuwento rin ng mas, o ilang sensitibong isyung panlipunan, tulad marahil ng bullying, incest at rape, etc., ‘ika ni Asenjo.
Bagaman pagsisimula lamang ang ambag na ito ng DK, makikita rin natin na sinasalamin ng antolohiya ang pambansang ambisyon ng maraming manunulat para sa mga bata, ang makapaghain ng hindi iba ngunit bago at angat sa mga nauna nang mga kuwentong pambata na umiinog sa maka-Filipinong oryentasyon at klase ng pagkukuwento, partikular kaya malaking ang posibilidad na maging unibersal. Kaya iniengganyo pa rin ang maraming manunulat na may interes sa pagkatha para sa mga bata na magsalaysay sa modernong paraan gamit ang tradisyong oral, kuwentong-bayan, at iba pa. Sa pamamagitan nito ay nahuhubog natin ang makataong kamalayan ng bata partikular sa komunidad na kanyang ginagalawan.
Bagaman sa tingin ko ay problematiko ang ilustrayon ni Mary Rose Adelle Pacificar kung pagbabatayan ang pabalat ng libro, para sa akin ay hindi nito naguhit nang maayos at may higit na kasiningan ang tagumpay ng mga kuwentong naisama sa antolohiya, tandaan natin na ang pagkatha para sa bata ay hindi lamang tumutukoy sa paraan at materyal na ginamit sa pagkukuwento, sa halip malaki ang kaugnayan ng pabalat at ilustrasyon, ang kinis ng papel, laki ng letra, estilo ng letra, bilang ng salita, at maging ang laki nito at kulay na ginamit sa ilustrasyon na siya namang hindi natin nakita sa antolohiya, kaya ang resulta, imbes na mas maging ma-appeal ito sa mga bata na siyang pangunahing dapat na pinagsisilbihan ng antolohiya ay mas magiging mabenta ito para sa mga nanay at guro na siya naman talagang nakalulungkot.
Nagpapatuloy ang hamon para sa malay na pagsisimula ng panitikang Kinaray-a para sa pagkatha para sa mga bata, nawa ay magpatuloy ang ganitong klaseng gawain ng DK, dahil sa pamamagitan nito ay higit nating napauunlad ang cultural literarcy na kulang na kulang sa ating mga kabataan ngayon at sistema ng edukasyon. Nawa ay magpatuloy at higit na maging bukas ang mga susunod na patimpalak at antolohiya ng DK sa mga mas mapangahas na tema at paraan ng pagkukuwento para sa mga bata, iyong hindi nakakahon at limitado lamang sa itinatakda ng rules at guidelines. Sa ngayon, panginbulahan para sa Dungug Kinaray-a para sa tagumpay ng librong ito.
Si Noel Galon de Leon ay estudyante ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas. Nagtuturo sa University of the Philippines High School in Iloilo. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa ngdleon@yahoo.com.
G. Noel, diin ko makabakal sini? ;]
Makipag-ugnayan na lang po sa C&E Publishing na naglimbag ng aklat. http://www.cebookshop.com/. O Kaya sa website ng Dungug Kinaray-a, http://dungugkinaray-a.com/. Pwede ring dumiretso kay Ritchie D. Pagunsan at Alex Delos Santos sa https://www.facebook.com/profile.php?id=795044636&fref=ts&ref=br_tf mga editor.
Reply
Damo nga salamat!
Makipag-ugnayan na lang po sa C&E Publishing na naglimbag ng aklat. http://www.cebookshop.com/. O Kaya sa website ng Dungug Kinaray-a, http://dungugkinaray-a.com/. Pwede ring dumiretso kay Ritchie D. Pagunsan at Alex Delos Santos sa https://www.facebook.com/profile.php?id=795044636&fref=ts&ref=br_tf mga editor.
Meron na po akong signed copy pero saan po yung iba makakabili? Meron po ba nito sa NBS?